Paano mapanatiling maging huwaran sa kabila ng…
Jejejejeneration Gap
Ni Ptr. Willie Basilio
Dumalaw kami sa ospital sa isang nagsilang ng unang anak by Ceasarian section. Bagaman ‘di namin nasilip ang baby sa nursery, matagal kami sa silid ng nanay. Medyo masakit pa raw ang sugat ng operasyon pero nakakapagsalita na at nakakain na. Kasama na siya sa kwentuhan, tawanan, at nagpa-ice cream pa sa mga bisita. At gaya ng inaasahan, umikot ang huntahan sa panganganak, sa nakaraang halalan, at dahil naka-on ang TV sa room ay sabit din ang buhay-artista, at iba pa. Tawanan, kantyawan, minsan seryoso, pero madalas ay hindi. Dito ko nakita ang anyo ng generation gap, ang higit sa isang oras na dalaw sa pagitan ng silip ng doktora para sabihing ok ang baby, at ang nurse na kumuha ng BP ng bagong nanay.
Ibinida ng mga nanay na kasama ko na noong sila’y manganak ay sa kumadrona at sa bahay lang. Na noong baby pa ang anak, cute pa; pero noong lumalaki na ay kumukulit at sakit na ng ulo. Mismong gamit na salita ay napapansing naiba – makulit, pasaway, atbp. Noon, may tali pa ang pusod ng baby sa tiyan at naka-lampin, ngayon disposable diapers na. Noon padede sa ina, ngayon pinipilit pa. Sa papalaot na kuwentuhan sa mga modernong gadgets – cellphone, digital camera, at paano ang pamamaraan ng komunikasyon ngayon kumpara noon (love letter na sulat-kamay at nakaipit sa libro o notebook na kunwa’y hiniram para sa assignment sa pausong jejemon’ na ayaw ng DepEd). Hay naku, napakarami pa. Pero kailangan na kaming magpaalam dahil isa sa kasama namin ay mag-aalaga pa ng apo.
Subalit sa kabila ng tinatawag na generation gap, nangibabaw sa aking isip ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa buhay at pagsisikap na ito’y maitawid sa susunod na henerasyon. Ang pinaka-mahalagang pagtatawid, ang higit na kailangang maglapit sa magulang at anak, ay ang mailapit ang sarili at anak sa ating Ama sa langit. Na sa Kaniya’y walang generation gap. Ang mabisang paraan upang magawa ito ay ang malaman at magawa ng mga magulang at maipakita ang mukha ng Diyos sa kanilang pamilya. Ito po ang pinaka-kapahayagan ng pagiging magulang. Narito po ang ilang mga pamamaraan upang magawa ito.
Maka-Diyos na Pamumuhay. Sa anumang posisyon ng pamumuno, mapa-bansa o pamilya man, ang maka-Diyos na pamumuhay ay isang mabisang paraan upang mailapit ang mga pinamumunuan sa Diyos. Ang maka-Diyos na pamumuhay ay ang pagkilala at pagsasakatuparan ng mga kautusan ng Diyos. Ang kaisipan ay kontrolado ng magagandang bagay at ‘di ng kahalayan o anomang makapapahamak. Ito ay makaka-asa ng mapayapang pakikitungo sa kapwa, at may pagsasangguni lagi sa panalangin ang lahat ng bagay.
Ang maka-Diyos na pamumuhay ng magulang ay magsisilbing inspirasyon sa mga anak maging sa pagharap sa mga hamon ng buhay: problema, pagsubok, pangangailangan, karamdaman, pag-iisa, atbp.
Uliran sa lahat ng bagay. Isang kahinaan ng ating mga kabataan ngayon ay ang kawalan ng katatagan dahil wala silang naging huwaran. Nagiging madali sa kanila ang lahat ng bagay, kaya’t kulang sa pagtitiis na nagiging dahilan ng ‘di pagkakabuo ng katatagan. Kaya’t marami sa mga kabataan ngayon ang biglaang magdesisyon, ayaw na mahihirapan, at gusto ay ibibigay na lang sa kaniya ang lahat. Dito kinakailangang maging hayag ang magagandang kaugalian ng magulang upang gayahin ng anak. Sa Bibliya’y makikitang tambalan lagi ng pagtuturo at pagiging halimbawa ang mabisang paraan ng pagpapalaki sa mga anak sapagka’t kinikilala ng Bibliya ang simpleng pilosopiya ng pagmamagulang. Ito ay kung ano lang ang meron ka ay siya lang ang maibibigay mo sa iyong anak. Kung ibig nating maging magalang ang ating anak, dapat ay magalang at kagalang-galang tayo. Kung nais nating maging masipag ang ating anak, masipag ba naman tayo? At kung si Kristo ay nasa buhay na natin, posibleng maipakilala natin Siya sa kanila.
Kaibigan/kabarkada. Napakaganda at praktikal na kalalagayan na mag-ama o mag-ina na ay magkaibigan pa. At kung ito’y ay maia-angat sa level ng Diyos ay napaka-inam para sa ating mga kabataan. Isang mahalagang pagkakataon sa buhay ay ang pakikipag-kaibigan. Ang kaibigan ay pinagkakatiwalaan ng kabataan higit pa sa magulang. Nasasabi rito ang sekreto niya at nakakadama ng talagang kakampi at tagapagtanggol. Nakararanas ng kasiyahan ang kabataan sa pakikipag-barkada at parang kumpleto ang buhay basta nasa barkadahan. Dito magpapakita ng interes ang magulang sa kapakanan ng mga anak. Mula pa lang sa pagkabata ay ilapit na ang kalooban ng magulang sa mga anak para unti-unting mabuo ang pagmamahal at tiwala, at magiging panatag ang loob ng mga anak para magtanong ng mga bagay-bagay. Ang susi para maganap ito ay ang paglalaan ng sapat na panahon ng mga magulang para sa mga anak habang sila ay pinalalaki. Huwag masyadong abala sa trabaho, o kaya nama’y ‘di pinapansin ang anak kapag ito ay lumalapit, halimbawa’y nagpapatulong sa assignment sa school.
Kinabukasan. Maganda itong paghandaan, lalo na ng mga kabataan. Kahit ang Panginoon po natin ay may inilalaang napakagandang hinaharap para sa Kaniyang mga tinubos. Ginugusto Niyang makasama tayo sa langit magpasa-walang hanggan, kung tayo’y sasampalataya sa Kaniyang bugtong na Anak na Kaniyang isinugong tanging Tagapagligtas.
Ang kabataan ay nabubuhay lang sa kasalukuyan. Hindi nila nakikita ang kahalagahan ng bukas. Pinag-aaral sila ng mga magulang bilang paghahanda sa hinaharap, nguni’t bihira sa kanila ang nakaka-unawa nito. Nag-aaral lang kasi obligado ang lahat na mag-aral. Wala din daw sense of history ang kabataan. Ni hindi alam ang kasaysayan ng ating mga bayani. Mas alam ang pangalan at buhay ng kanilang hinahangaang artista. Dahil dito, madali daw mauto ang mga kabataan, at wala nga raw kahandaan para sa kinabukasan. Kaya’t papasok dito ang magulang sa pagpapakita sa kahalagahan ng paghahanda sa hinaharap. ‘Di minamadali ang paga-asawa. Mag-aral muna at magtapos para puhunan sa matatag na buhay at kinabukasan. Kahit sa pagkukwento lang ng naging karanasan ng magulang ay may maipapaalala na ang mga magulang sa anak – pwedeng mga bagay na dapat tularan, o mga bagay na dapat iwasan. Higit pang mabisa ito kadalasan sa pagtuturo sa mga anak.
Ambisyon. Malayo ang mararating ng taong may ambisyon. Hayaang lagi na lang naka-halukipkip ang mga kamay, ni hindi niya maasahang may makakaramay. Masipag. Masikap. May pinapangarap. Libre naman daw ang mangarap. Masigla ang buhay kapag may nakikitang resulta ang mga pagpupunyagi. Unti-unti, maliliit, pero tinitiyaga, bukas-makalawa ito ay lalaki at dadami. Ang Bibliya’y may kwento ukol sa pinakatiwalaan ng Panginoon ng mga talento. Sa mga nangalakal nito, tumubo at dinagdagan pa ng doble. Abot-kamay ang pag-unlad, kailangan nga lang ng pag-aambisyon. Binigyan tayo pare-pareho ng 24 na oras sa buong sang-araw. Pero nagkakaiba-iba tayo sa paggamit nito. May nanghihinayang, mayroon namang nasisiyahan. Hubugin natin ang kaisipan ng ating mga anak sa pagsisipag at pagsisikap. Turuan natin silang mag-ambisyon. Gabayan sila sa pagtuklas ng kanilang linya ng interes o hilig, at sikaping suportahan sila hanggang magamit ito para sa kanilang kinabukasan. Ibig ng ating Diyos ng makabuluhang buhay para sa atin, kaya’t nagbigay Siya ng sapat na kagamitan para dito: talino, lakas, pera, at pamilya. Gamitin natin ang mga ito para sa pagpapala ng Diyos sa atin.
Nabuo po natin ang mga kaisipang ito gamit ang salitang MUKHA. Gaya ng sinabi ko, ang pangunahing papel ng magulang sa anak ay ang pagpapakita ng MUKHA NG DIYOS sa kanila. Kung nakikilala ng magulang ang Diyos, tinanggap si Kristo bilang Panginoon at Tagapagligtas, makikita’t-makikita ito sa kaniya ng pamilya. At kung ano ang nahahayag na mga katangian ng Diyos ay mapagsisikapang tularan ng mga magulang at ituro sa mga anak. Ito rin po ang tagumpay at pagpapala ng isang bansa. Kapag bawa’t magulang sa bawa’t pamilya ay ipinakikita ang mukha ng Diyos at tinutularan ito, malulugod ang Diyos at ito’y pagpapalain. Haleluya!
everythng about the difference betweeen then and now is true…..
how time really flies…..