Shieryl Joy Baay

image

Para sa iba, ang isda ay pangkaraniwang pagkain na pwedeng kainin kailanman gustuhin. Pero hindi para kay Shieryl Joy Baay ng Kabacan, South Cotabato. Dala ng kabataan, ay hindi napaghandaan ni Shieryl ang buhay may asawa. Minsan sa buhay niya ay pinangarap niya ang makapag-ulam man lamang ng bangus. Pero dala na nga ng kahirapan ay nag-ipon pa mula sa kita sa pagsasaka ang kaniyang asawa na si Ariel upang makakain ng bangus. Kaya naman nagtitiyaga ang mag-asawa sa gulay dahil ito lang raw ang kaya nilang bilhin.

Bagamat hirap, sinikap ni Ariel na mapagbigyan ang simpleng hiling ng asawa. Isang araw ay sinorpresa n’ya ito ng isang pirasong bangus. Agad naman itong inihaw ng mag-asawa upang pagsaluhan. Pero tila binibiro ng tadhana si Shieryl dahil nang malingat sandali sa panonood ng telebisyon sa kapitbahay ay kinain ng pusa ang kanilang iniihaw na bangus. Hinayang na hinayang ang mag-asawa. Pero mula rito ay natutunan ng mag-asawa na sa buhay ay hindi ka dapat malilingat, dahil maraming oportunidad ang maaaring magdaan ng di mo namamalayan.

Pinagpatuloy ng mag-asawa ang pagsusumikap. Habang nagsasaka si Ariel ay naisipan ni Shieryl na tumulong. “Nang makaipon kami ng kaunti, bumili ako ng isang baboy. Kinatay ko ‘yon at pinautang ang karne sa kapitbahay,” kwento ni Shieryl. Isang linggo ang binibigay niyang palugit sa mga kapitbahay para mabayaran ang inutang na karne. Hindi naman sya nabigo sa mga ito, kaya naman mula sa isang baboy ay umabot pa ito ng tatlong hanggang anim na baboy kada linggo. Nakapagpundar na rin sila noon ng isang tricycle pang deliver pero naibenta rin dahil kinailangan nila ng perang pambili ng multicab upang matugunan ang dumaraming kostumer. Nakilala na siya sa ganitong uri ng negosyo hanggang sa mga kalapit na lugar. Dito na rin niya nakilala ang KMBI. “Noong una, ayoko talagang sumali sa KMBI, kasi ayoko ng utang. Malakas ang loob kong magpautang pero takot ako mangutang dahil iniisip ko baka hindi ko kayang magbayad,” wika ni Shieryl. Pero na hikayat pa rin siyang sumali ng kaniyang hipag sa kanilang sentro. Isa ang sentro nila sa kauna-unahang sentro ng KMBI sa Kidapawan noon. Dahil naging mainam ang samahan at pamamalakad ng sentro ay nagtuluy-tuloy na rin ang pamamalagi ni Shieryl bilang program member hanggang sa kasalukuyan.

Ang kaniyang negosyo ay hindi rin nagtapos sa simpleng pagkakatay ng baboy. Mula sa isang biro mula sa kaniyang kostumer na nagsasawa na raw ang mga ito na parati na lamang karne ang kaniyang pinapautang ay naisipan niyang ibahin ang kaniyang tinitinda. Dala ang kanilang multicab at kaunting ipon ay tinungo ng mag-asawa ang General Santos City upang tumingin ng ibang pwedeng pagkakitaan. “Wala pa kaming kamuwang-muwang noon kung anong gagawin namin sa GenSan, kung paano, bahala na. Experience lahat ito sabi ko. Nakabili kami ng tatlong box na pusit, bangus at pirit,” kwento pa ni Shieryl. Dahil sa hakbang na ito ni Shieryl ay mas lumago ang kaniyang negosyo. Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 90 boxes ng mga isda ang kaniyang inaangkat mula sa General Santos City kada linggo. Hindi na basta kapitbahay na lamang ang mga suki niya, nariyan ang ilang restaurants at palengke na lingguhan kung kumuha ng mga isda sa kaniya.

Sa pagsusumikap ng mag-asawang Ariel at Shieryl, nakapagpundar ang mag-asawa ng lupain, limang pamasadang tricycle at dalawang sasakyang ginagamit sa pag-angkat ng mga isda sa General Santos City. Sa kabila ng tagumpay ay patuloy na nakatapak sa lupa ang mga paa ng mag-asawa. Saksi ang kaniyang mga tauhan sa kabaitang ipinamamalas nito sa kanila. Nakagawian na nga ni Shieryl na hayaan ang kaniyang mga driver na maiuwi at maituring na kanila ang pamasadang tricycle. Tuwing araw ng linggo ay hindi na rin kinukuha ng mag-asawa ang boundery ng tricycle mula sa mga driver nito.

Ang sekreto ng mag-asawa sa kanilang pag-unlad ay ang pagkakaroon ng matibay na pananalig sa Panginoon. Noon pa man, sa kabila ng hirap ng buhay, ay inilalaan na nila ang ika-sampung bahagi (10%) ng kanilang kinikita. Kaya naman ang payo ni Shieryl sa kaniyang mga kapwa negosyante at program member ng KMBI ay ang gamitin ng tama ang ipinahiram na pera. Higit sa lahat at huwag kalimutan ang Panginoon sa pang-araw araw na gawain upang gabayan sila ng Diyos.

Sa edad na 34 at pagkakaroon ng tatlong anak ay masasabi na ni Shieryl na nagbunga ang kanilang pagsusumikap. Kaya naman hanggat maaga ay tinuturuan narin niya ang kaniyang mga anak sa pagnenegosyo. Ang panganay na anak niya na nasa 3rd year high school ang nagpatuloy ng pagkakatay ng baboy mula sa puhunang kaniyang pinagkatiwala.

Kapag Diyos nga naman ang iyong pinagkatiwalaan sa iyong buhay ay higit pa sa iyong inaakala o hinihiling ang iyong matatanggap mula sa Kanya. Ang simple hiling ni Shieryl na makakakain ng bangus ay sinuklian ng Panginoon ng singlawak at singlalim ng karagatan na biyaya.

Kwentong Entrep


Kwentong ENTREP ni Elenita Banog


Kwentong ENTREP ni Marilyn Guzman


Kwentong ENTREP ni Lalaine Untal


Kwentong ENTREP ni Eldy Tutor


Kwentong ENTREP ni Heidi Alimios


Stories of Transformation